La Salle, UST jins kampeon sa UAAP taekwondo

MANILA, Philippines - Kinuha ng UST Lady jins ang kanilang ika-12 titulo para maibsan din ang pagkatalo ng men’s team sa UAAP taekwondo na nagwakas noong Miyerkules sa The Arena sa San Juan City.

Tinalo ni Jane Narra si Cyrmyr Perlas sa middle heavyweight division, 8-2, para agawin ang titulong napanalunan ng Lady Archers noong nakaraang taon.

Si Nicole Cham (bantamweight) ang isa pang jins ng UST na nanalo ng ginto sa dibisyon.

Ang UP  ang puma­nga­lawa at sila ay ibinandera ni Gen Castillo na gold meda­list sa welterweight division habang ang Lady Archers ang pumangatlo at sila ay sumandal sa husay nina Alyssa Bonifacio (finweight), Jyra Lizardo (lightweight) at Leigh Ann Naguid (flyweight).

Hindi naman nagdoble ang selebrasyon ng UST dahil winalis ng La Salle ang anim na laro sa eliminasyon tungo sa ikawalong men’s title.

Tinalo ng Archers ang UST na may 11 titulong napanalunan na sa dibisyon.

Parehong may 5-0 re­cord ang dalawang kopo­nang naglaban at si middle heavyweight Kristopher Robert Uy ang kumuha ng panalo para sa La Salle sa 14-5 tagumpay kay Jeicco Lozano.

Pumangalawa ang Tigers bago sinundan ng UP na tumapos taglay ang 4-2 baraha.

Ang bantamweight fighter na si Kevin Sia ng La Salle  ang kinilala bilang MVP sa kalalakihan habang si Cham ang nakapag-uwi ng nasabi ring award sa kababaihan.

 

Show comments