Perpetual, Letran didikit sa Bedans

MANILA, Philippines -  Iinit uli ang puwestuhan sa itaas sa pagsabak sa aksyon ng Letran at Perpetual Help sa 89th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Solo sa unahan ang San Beda sa 11-2 baraha pero hindi malayong dumikit uli ang Knights at Altas kung manalo sa kanilang hiwalay na laro.

Ang Altas ay makikipag­sukatan sa Mapua Cardi­nals sa unang laro sa ganap na alas-4 ng hapon bago sumunod ang Knights kontra sa Emilio Aguinaldo College dakong alas-6.

May 10-2 baraha ang tropa ni coach Caloy Garcia at ang makukuhang panalo ay magtutulak para makatabla uli ang pahi­ngang Lions na dinurog ang St. Benilde, 65-46, noong Huwebes.

Sa kabilang banda ang Altas ay may 10-3 baraha at kailangang manalo sa Generals para manatiling kapos ng kala­hating laro sa Lions o sa Knights kung manalo ang huli.

Nangibabaw ang Letran at Perpetual Help sa mga katunggali dahil tinalo nila ito sa first round.

Humirit ang Knights ng 79-74 panalo sa EAC sa unang tagisan habang sa dikitan ding 73-68 din nangibabaw ang Altas sa Cardinals.

Pero iba pang itinatak­bo ng laro ngayon ng Altas na pinataob ang St. Benilde (68-64) at Jose Rizal University (64-61) para paboran laban sa Cardinals na hanap na wakasan ang sampung sunod na pagkatalo matapos sorpresahin ang San Sebastian tungo sa 1-1 baraha.

Galing naman ang Knights sa 70-59 panalo sa Arellano sa huling laban para makabangon agad mula sa 76-80 pagkatalo sa Lyceum.

Inaasahang malaki ang natutunan ng Knights sa huling kabiguang nalasap para matiyak na la­ging nasa kondisyon ang manlalaro at maigupo ang inaasahang malakas na hamon ng Generals.

Sa 5-7 baraha, ang tropa ni coach Gerry Esplana ay dapat na manalo nang manalo para makaabot sa Final Four.

 

 

Show comments