MANILA, Philippines - Sisimulan ngayon ang maituturing bilang best-of-three series sa pagitan ng FEU at La Salle sa playoff ng 76th UAAP men’s basketball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang playoff ng dalawang koponan ay kailaÂngan para malaman kung sino ang magtataglay ng twice-to-beat advantage sa pagitan ng Archers at Tamaraws para sa ikalawang bakbakan sa Final Four.
Ang National University, La Salle at FEU ay magkakatabla sa unang puwesto sa 10-4 baraha pero ang Bulldogs ang may hawak ng twice-to-beat advantage dahil sa mas magandang quotient.
Kalaban ng NU ang UST sa isang pares sa semifinals na gagawin bukas (Linggo).
Naghati ang FEU at La Salle sa dalawang pagkikita sa elimination round at unang nanalo ang tropa ni coach Nash Racela, 83-79, sa overtime bago bumawi ang tropa ni coach Juno Sauler sa second round, 75-66.
Naniniwala ang marami na nasa panig ng Archers ang momentum lalo pa’t winalis nila ang second round para humabol sa unang puwesto.
Pero para kay Sauler, iba na ang labanang ito dahil mas malaki na ang nakataya kaya kailangan niyang makitang mas agresibo ang kanyang mga alipores.
Sina Jeron Teng at Almond Vosotros ang mga sasandalan sa opensa habang ang mga higanteng sina Norbert Torres at Arnold Van Opstal ang sa shaded area.
Malaki rin ang maitutulong ng rookie na si Jason Perkins lalo na kung mapapanatili niya ang aveÂrages na 12.71 puntos, 9.57 rebounds, at 1.71 assists dahil walang panapat sa nasabing puwesto ang Tamaraws.
Hindi naman itinuturing ni Nash Racela ang tagisan bilang playoff kungdi game one ng best-of-three kaya’t alam niya na mahalaga ang makauna na sa serye.
Ang mananalo ay maÂngangailangan na lamang na makaulit pa sa ikalawang tagisan sa Miyerkules (Setyembre 25) na magbibigay ng isang tiket sa finals.