Giyera ng Navy at PNP sa huling quarterfinals slot

MANILA, Philippines - Isa ay aabante habang isa ay mamamaalam ang mangyayari sa pagitan ng Navy at Philippine National Police (PNP) sa pagtatapos ngayon ng Shakey’s V-League Season 10 Open Conference elimination round sa The Arena sa San Juan City.

Parehong may isang panalo lamang matapos ang anim na laro ang Navy Sailors at Lady Patrollers para magsilbing knockout game para sa quarterfinals ang tagisang magsisimula dakong alas-4 ng hapon.

Ang FEU ang siyang tinalo ng dalawang kopo­nan at ang Navy ay na­naig sa straight sets habang apat na sets dumaan ang PNP bago nanalo.

Iaasa ng PNP ang la­ban sa husay nina Thai im­port Sangmuang Pat­charee bukod pa sa mga matitikas na locals na sina Janine Marciano at Frances Molina na nasa top 10 sa iskoring.

Sa kabilang banda, ang Navy ay sasandal sa mga beteranong sina Michelle Laborte, Janeth Serafica, Chris Rosale at Aileen Suson.

Unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon sa ligang  inorganisa ng Sports Vision at may suporta ng Shakey’s ay sa pagitan ng Army at FEU.

Talsik na sa ligang may ayuda ng Accel at Mikasa ang Lady Tamaraws sa 0-6 baraha pero hindi ito mangangahulugan na hindi magsisikap ang team para magkaroon ng panalo sa walong koponang liga.

Ngunit dadaan pa rin sila sa butas ng karayom dahil ang Lady Troopers ay magpapalakas ng kapit sa ikalawang puwesto kung maisulong ang kasaluku­yang 5-1 baraha.

Ang Cagayan na hindi natalo sa pitong laro ang number one habang ang iba pang umabante sa quar­terfinals ay ang Air Force, Smart at Meralco.

Ang aksyon sa quarterfinals na kung saan bitbit ng mga umabanteng koponan ang kanilang win-loss records ay magsisimula sa Linggo.

Show comments