MANILA, Philippines - Pag-aagawan ngayon ng Philippine National Police at FEU ang unang panalo na magbibigay daan para maging palaban pa sa puwesto sa susunod na yugto sa Shakey’s V-League Season 10 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon mapapanood ang bakbakan ng Lady Patrollers at Lady Tamaraws na parehong may limang sunod na pagkatalo.
Anim na koponan sa waÂlong naglalaban sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang ShaÂkey’s ang aabante sa quarterfinals at ang Philippine Navy ang nasa ikaanim na puwesto ngunit may isang panalo lamang matapos ang anim na laro.
Must-win ang FEU dahil ang huling laro ng PNP ay laban sa Navy sa Biyernes.
Sina Samantha Dawson, Mary Palma, Marie Basas, Maie Simborio at team captain Gyzelle Sy ang mga aasahan ng kopoÂnan ni coach Caseal Delos Santos para makuha ang mahalagang panalo.
Ang Thai import na si Sangmuang Patcharee ay makikipagtulungan kina Janine Marciano at Frances Molina para sa PNP.
Okupahan ang ikatlong puwesto ang balak gawin naman ng Philippine Air Force sa pagbangga sa MeÂralco sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
Parehong pasok na ang dalawang koponang nabanggit ngunit kailangan pa rin nilang manalo dahil carryover ang format sa susunod na yugto ng labanan sa ligang may suporta pa ng Accel at Mikasa.
Ikalimang sunod na paÂnalo matapos buksan ang kampanya sa magkasunod na kabiguan ang nakataya sa Air Women habang mapanatili ang win-loss karta ang nakaumang sa Power Spikers.
Samantala, ang laro noong Linggo sa pagitan ng Air Force at PNP ay ipapalabas ngayong ika-1 ng hapon sa GMA News TV Channel 11. Ang laro ng Army-Smart ay isasaere sa Miyerkules.