MANILA, Philippines - Hindi nawala ang galing ni Lee Van Corteza para kalusin si 2007 champion Daryl Peach ng Great Britain, 11-4, sa second round ng 2013 World 9-Ball Championship na ginagawa sa Alarabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Matapos kunin ang unang rack ay hindi binigyan ng pagkakataon ni Corteza na makatikim ng kalamangan si Peach upang katampukan ang ikalawang panalo sa torneong kinakikitaan ng pinakamahuhusay na pool pla-yers sa mundo.
Sinibak sa round-of-64 si Manuel Gama ng Portugal sa pamamagitan ng come-from-behind na 11-7 panalo, sunod na makakatuos ni Corteza si Nick Ekonomopoulos ng Greece na sinibak ni Mario He ng Austria, 11-6.
Umusad din si 2006 Doha Asian Games gold medalist Antonio Gabica para pawiin ang pagkatalo ni Israel Rota sa mga maaagang laro ng mga Pinoy cue artists.
Tumibay ang mga sargo at tumbok ni Gabica mula sa 5-4 iskor tungo sa 11-8 pangingibabaw laban kay Oliver Ortmann ng Germany at ikasa ang pagkikita nila ni Ko Pin Yi ng Chinese Taipei sa third round.
Tinalo ni Yi si Mika Immonen ng Finland sa 11-8 iskor.
Ininda naman ni Rota ang mahinang panimula laban kay Lo Li Wen ng Chinese Taipei para sa masaklap na 2-11 pagkatalo at mamaalam sa torneo taglay ang $2,500.00 premyo.
Limang pambato pa ng bansa ang lumalaban habang isinusulat ang balitang ito.
Kalaban ni Jeffrey de Luna si Mohammad Zulfikri ng Indonesia; si Ramil Gallego ay kasukatan si Chris Melling ng United Kingdom; katagisan ni Dennis Orcollo si John Morra ng Canada; si Carlo Biado ay kaharap si Shane Van Boening ng USA at si Marlon Manalo ay nakikipagbakbakan kay Fabio Petroni ng Italy.