Chiefs buhay pa ang tsansa sa semis: Nalusutan ang Pirates

Laro Bukas

(The Arena, San Juan)

4 p.m. Mapua vs San Sebastian

6 p.m. San Beda vs EAC

 

MANILA, Philippines - Isang basket ni Nard John Pinto sa natitirang 1.7 segundo ang nagtakas sa 76-75 panalo ng Arellano University kontra sa Lyceum para tapusin ang kanilang two-game losing skid sa second round ng 89th NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan.

Bumangon ang Chiefs mula sa isang five-point deficit sa huling 1:07 ng final canto para pigilan ang hangad na ikalawang sunod na panalo ng Pirates, nagmula sa 80-76 paggitla sa Letran Knights.

Tumapos si Pinto na may 15 points sa ilalim ng game-high 25 markers ni Prince Caperal para sa Arellano, habang nagdagdag si Keith Agovida ng 11.

Umiskor naman si import Aziz Mbomiko ng 17 points para sa Lyceum kasunod ang 15 ni Dexter Zamora at 14 ni Shane Ko.

Kinuha ng Pirates ang 65-59 abante mula sa dalawang free throws ni Ko sa 5:37 ng fourth quarter patungo sa kanilang 75-70 kalamangan sa huling 1:07 minuto.

Tumipa sina Pinto at Agovida ng magkasunod  na basket para idikit ang Chiefs sa 74-75 sa nala­labing 14 segundo.

Isang inbound violation ang itinawag kay Mbomiko sa panig ng Lyceum na nagresulta sa posesyon ng Arellano.

Nakawala si Pinto at isinalpak ang winning basket sa natitirang 1.7 segundo para sa Chiefs.

Arellano 76 -- Caperal 25, Pinto 15, Agovida 11, Salcedo 8, Forrester 8, Hernandez 5, Margallo 4, Gumaru 0, Jalalon 0, Nicholls 0, Bangga 0, Serjue 0, Cadavis 0.

Lyceum 75 -- Mbomiko 17, Zamora 15, Ko 14, Baltazar 6, Francisco 6, Ambohot 6, Lesmoras 4, Lacastesantos 3, Azores 2, Mendoza 1, Taladua 0.

Quarterscores: 15-14; 31-31; 55-55; 76-75.

Show comments