MANILA, Philippines - Apat na magkakahiwalay na siyudad sa bansa at isa sa US ang sabay-sabay na pagdarausan ng patakbo para makalikom ng pondo na gagamitin sa mga proyektong pangkalikasan ng ABS-CBN Foundation.
Tatawaging “One Run, One Philippines†at gagawin sa Oktubre 6, ang mga napiling siyudad sa bansa para pagdausan ng patakbo ay ang Quezon City, Cebu City, Bacolod City at Davao City. Magkakaroon din ng ganitong patakbo sa Los Angeles, USA.
Ang kikitain sa Quezon City run ay para sa taunang “Run for the Pasig River†habang ang pondong malilikom sa Cebu City ay para pagandahin ang baybayin ng Daan Paz.
Ang perang makukuha sa Davao City ay para itustos sa Marilog Tourist Center; ang sa Bacolod City ay para sa mga proyekto sa Punta Taytay, Sum-ag River rehabilitation at Bacolod City Water District Campuestuhan Watershed, habang ang malilikom sa Los Angeles ay para sa Green Initiative ng Bantay Kalikasan.
Ang mga tatakbo ay maaring magpatala sa 3K at 5K at magsisimula ang karera sa Quezon City Memorial Circle sa ganap na alas-6 ng umaga.
Para magparehistro, magtungo lamang sa mga booth ng “Run for the Pasig River†sa SM Mall of Asia, SM North EDSA, SM Megamall, at mga outlet ng Chris Sports sa Glorietta, Festival Mall, SM North EDSA-The Annex, SM Megamall, SM Manila, SM Fairview at Fitness & Athletics BGC hanggang Oktubre 5.