CEU pinapak ang CUP, St. Clare wagi rin sa NAASCU

MANILA, Philippines - Gumulong sa ikapitong sunod na panalo ang Centro Escolar University nang gutay-gutayin ang City University of Pasay, 81-31, sa 13th NAASCU basketball noong Martes sa RTU gym.

Limang puntos lamang ang ibinigay ng depensa ng  Scorpions sa  unang 20 minuto ng laro para lumayo sa 36-5 para manatiling nangunguna sa liga.

Si Carl Soriano ay may 12 puntos kahit hindi starter habang tig-10 pa ang ibinigay  nina John Paul Magbitang at Joseph Sedurifa para sa nanalong koponan.

Kumapit pa ang nagdedepensang kampeton St. Clare College-Caloocan sa pangalawang puwesto sa 84-41 dominasyon sa New Era University sa isa pang laro.

Si Jayson Ibay ay gumawa ng pitong puntos sa unang yugto para bitbitin ang Saints sa 21-5 kalamangan para umangat sa ikaanim na sunod na panalo matapos matalo ang unang laro sa CEU.

Tumapos si Ibay taglay ang 13 puntos habang si Jam Jamito ay may idinagdag na 11 puntos para sa St. Clare.

Tumabla naman ang Our Lady of Fatima University sa Rizal Technological University sa kinuhang 62-58 panalo sa kanilang tagisan.

Parehong may 4-3 ba­raha ang dalawang koponan at si JJ Mallari ang tumayong bida para sa OLFU  matapos angkinin ang anim sa huling walong puntos ng koponan.

Samantala, umakyat ang CEU Lady Scorpions sa 5-0  baraha sa pamama­gitan ng 70-17 panalo sa St. Clare-Caloocan habang ang RTU ay umani ng 56-36 panalo sa Our Lady of Fatima University para manatili sa ikalawang puwesto sa 3-1 karta.

Show comments