Manalo humabol sa World Pool 9-Ball

MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ni Marlon Manalo ang hanga­ring makasali uli sa World Pool 9-Ball Championship sa Doha, Qatar nang malusutan ang qualifying round na sinalihan.

Tinalo ni Manalo sina Sultan Alfalih ng Saudi Arabia, 7-0,  kababayang si Demosthenes Pulpul , 7-5, Mohammad Ali Hassan ng Saudi, 7-0, at Jasen Al Hasawi ng Kuwait, 7-6, para malusutan ang isa sa 12 qualifying ng torneo na ginagawa sa Al Arabi Sports Club.

Si Manalo na isa ring Barangay chairman sa Barangay Malamig sa Mandaluyong City ang magiging ika-siyam na Filipino cue artist na nakapasok sa 128-man main draw.

Ang mga nakatiyak na ng puwesto sa main event ay sina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Carlo Biado, Jeffrey de Luna, Israel Rota at Antonio Gabica, ang 20­06 Asian Games gold medalist na ngayon ay coach ng Qatar.

Sina Reyes at iba pang kasamahan ay aalis nga­yon patungong Qatar.

“Maganda ang inilaro ko at sana ay madala ko ito sa main draw,” wika ni Manalo na dating pambato ng bansa sa snooker at naging Asian champion din sa nasabing event.

Tumulong sa gastusin ni Manalo sa World Pool 9-Ball sina Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos, Jr., Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II at Ronald Tieng ng Solar Sports.

 

Show comments