Altas sumalo sa 2nd: Tinakasan ang Chiefs

Laro sa Huwebes

(The Arena, San Juan)

4 p.m. SSC vs EAC

6 p.m. Lyceum vs Letran

 

MANILA, Philippines - Sumandal ang Altas mula sa isang offensive rebound at dalawang free throws ni Harold Arboleda sa natitirang 6.3 segundo sa final canto para sumosyo sa ikalawang posisyon at pa­lakasin ang kanilang tsansa sa Final Four.

Tinalo ng Perpetual Help ang Arellano University, 82-80, tampok ang 26 points, 12 rebounds at 4 assists ni Nigerian import Nosa Omorogbe sa second round ng 89th NCA men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Tumapos si Arboleda na may 9 markers sa ilalim ng 14 ni rookie Juneric Baloria at 11 ni Scottie Thompson.

Nauna nang binigo ng Altas ang Chiefs, 73-66, sa first round noong Hulyo 18.

Tumabla ang Perpetual sa three-time champions San Beda College sa ikalawang puwesto mula sa magkatulad nilang 8-2 baraha sa ilalim ng Letran College (9-1) kasunod ang Jose Rizal (5-4), San Sebastian (4-5), Emilio Aguinaldo College (4-5), St. Benilde (3-5), Lyceum (3-6), Arellano (3-7) at Mapua (1-9).

Kinuha ng Altas ang 77-70 abante mula sa isang three-point shot ni Joel Jo­langcob sa 4:24 ng fourth quarter kasunod ang 8-1 atake nina Prince Caperal, Levi Hernandez at Adam Jacob Serjue para ibigay sa Chiefs ang 80-78 bentahe sa 2:13 nito.

Matapos ang dalawang free throws ni Arboleda na nagtabla sa Perpetual sa 80-80 sa huling 1:55 ng  laro, nabigo naman ang Arellano na makaiskor.

Natawagan ng offensive foul si Keith Agovida sa hu­ling posesyon ng Chiefs sa nalalabing 26.8 segundo na nagresulta sa timeout ng Altas.

Mula sa kapos na 3-point attempt ni Omorogbe at nasikwat ng 6-foot-2 na si Arboleda ang offensive board.

Ang foul ni Ralph Salcedo sa natitirang 6.3 segundo ang naghatid kay Arboleda sa free throw line na kalmado niyang isinalpak para sa 82-80 iskor na nagselyo sa panalo ng Altas.

Perpetual 82 -- Omorogbe 26, Baloria 14, Thompson 11, Arboleda 9, Alano 9, Jolangcob 6, Elopre 3, Dizon 2, Bitoy 2, Oliveria 0, Ylagan 0,  

Arellano 80 -- Agovida 17, Hernandez 16, Caperal 14, Pinto 12, Nicholls 5, Salcedo 4, Bangga 4, Serjue 4, Jalalon 3, Gumaru 1, Cadavis 0.

Quarterscores: 21-19; 40-39; 59-53; 82-80.

Show comments