Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. Army vs Navy
4 p.m. Cagayan vs Meralco
MANILA, Philippines - Hawakan ang playoff para sa puwesto sa quarterfinals ng Shakey’s V-League Season 10 Open Conference ang nakataya ngayon sa Cagayan ProÂvince na gagawin sa The Arena sa San Juan City.
Inaasahang mapapalaban na ang Lady Rising Suns dahil katipan nila sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon ay ang Meralco.
Ikaapat na sunod na panalo ang maitatala ng tropa ni coach Nestor Pamilar upang okupahan ang playoff spot sa quarterfinals na katatampukan ng anim na mangungunang koponan matapos ang eliminasyon.
Galing ang koponan sa madaling 25-12, 25-12, 25-16, panalo sa Philippine Navy noong Biyernes na kung saan nagawa nilang pagpahingahin ang mahusay na Thai import Kannika Thipachot na naglaro lamang ng isang set.
Ang pahingang ito ay inaasahang makakatulong para maging masigla ang kanyang laro lalo pa’t kailangan ng Lady Rising Suns ang kanyang mga pag-atake para tapatan ang malakas na paglalaro ni Power Spikers import Coco Wang.
May 2-1 baraha ang Meralco at kung sakaling manaig sa Cagayan ay makakatabla nila ito at ang pahingang Smart sa 3-1 baraha sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Sina Thai setter Phomia Soraya, Angeli Tabaquero, Aiza Maizo at Pau Soriano ang aagapay kay ThipaÂchot habang sina Stephanie Mercado, Fille Cainglet at Maica Morada ang mga tutulong kay Wang.
Ang unang laro sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa ay sa hanay ng Army at Navy sa ganap na alas-2 ng hapon.
Nais ng Lady Troopers na sundan ang 25-13, 25-22, 25-18, unang panalo sa Philippine Air Force at huhugot sila ng lakas sa mga inaasahang sina MJ Balse, Jovelyn Gonzaga, Michelle Carolino at Cristina Salak.
Dapat naman silang maging handa dahil masidÂhi ang hangarin ng Navy Sailors na manalo para maisantabi ang panghihiya na inabot sa kamay ng Cagayan sa unang laro sa liga.