TAGUM City, Philippines--Napagtagumpayan ni swimmer Samantha Cambronero ang pinangarap na manalo ng anim na ginto para magpatuloy ang pamamayagpag ng Davao City sa idinadaos na Mindanao qualifying leg ng 2013 Batang Pinoy Games.
Nagtagumpay si Cambronero sa girls’13-15 200m individual medley at 100m breast stroke habang si Fritz Jun Rodriguez ay kumawala ng limang ginto tampok ang panalo sa boys’ 12-under 50m freestyle at 100m backstroke sa pagtatapos ng pool events kahapon.
Sa kabuuan, ang Davao City ay kumulekta ng 29 ginto para magkaroon na ang delegasyon ng 49 ginto bukod pa sa 40 silver at 26 bronze medals.
Kuminang din ang mga judokas at jins ng nasabing delegasyon matapos magtambal sa 13 gintong medalya.
Ang mga nanalo sa judo ay sina James Ryan (-73kg), Andre Teguin (-55kg), at Chino Tancontian (-50kg) sa boys’ at sina Sydney Tancontian (-70kg), Charrisse Aseneta (-52kg), Steffany Calamba (-44kg) at Jhanen Marcos (-40kg) sa kababaihan.
Sina Jasa Jane Tevar (middleweight), Patricio Jhoy Villejo (heavy), Patricia Anne Go (fly), Enrico Fronteras (welter), Jay Lourd Malisa Jr. (heavy) at Jomar Carolino (bantam) ang mga nagdomina sa taekwondo.
Ang General Santos City ang nananatiling nasa ikalawang puwesto sa 33-23-19 medal tally bago sinundan ng Iligan City (9-16-11) at host Davao del Norte (8-6-20).
Ang mga lifters ng Zamboanga City at Zamboanga Sibugay ay nagsanib sa pitong ginto sa weightlifting para patunayan na sa kanilang lugar nagmumula ang mga matitikas na lifters ng bansa.