Sa pagkawala nina Mammie, Casajeros: Doble kayod ang gagawin ng UE vs NU

Laro Ngayon

(Smart Araneta Coliseum)

2 p.m.  Adamson vs UP

4 p.m.  NU vs UE

 

MANILA, Philippines - Kailangang ipakita ng UE ang kanilang masid­hing determinasyon upang maisantabi ang dagok sa kanilang kampanya para makuha ang puwesto sa 76th UAAP men’s basketball Final Four.

Kinatigan ng UAAP technical committee ang naunang rekomendasyon ni league commissioner Chito Loyzaga na bigyan ng two-game suspension si  6’8 center Charles Mammie na makakaapekto sa laro ng Warriors ngayon laban sa National University.

Kinatigan ng komite ang paliwanag ni Loyzaga na gustong manakit ni Mammie nang iwanan ng paa ang babagsakan ni Terrence Romeo matapos ang pagpukol ng tres sa naganap na tagisan ng Red Warriors at FEU na napagwagian ng Tamaraws sa double overtime.

Ang two-game suspension na ipinataw ni Loyzaga kay Lord Casajeros ay pinababa naman sa one-game suspension at ito ay epektibo ngayon.

Si Mammie na nauna ng nasuspindi, ay naghahatid ng 14.2 puntos at 18.6 rebounds kaya’t ang UE ay may 5-4 baraha at nasa ikalimang puwesto, kapos ng isang panalo sa mga pumapang-apat na La Salle at Ateneo (6-4)

Si Roi Sumang ang siyang kakamada sa opensa pero kakailanganin ng tropa ni coach David Zamar ng mas magandang laro sa ibang malalaking manlalaro para tapatan si Emmanuel Mbe.

Si Bobby Ray Parks Jr. ay inaasahang gagawa rin habang ang ibang Bulldogs tulad nina Robin Rono, Dennis Villamor at Gelo Alolino ay dapat ding bantayan matapos ang magandang nilaro nang talunin ang UST, 75-61, sa huling laro.

Kung susuwertihin pa ang Bulldogs at mahagip ang ikalimang sunod na panalo, sila ay sasalo sa FEU sa liderato sa 8-3 baraha.

Tampok na laro ito dakong alas-4 sa Smart Araneta Coliseum at ang unang bangayan ay sa pagitan ng Adamson at UP sa ganap na alas-2 ng hapon.

Show comments