Incentives ng mga atleta ibibigay ngayon ng PSC

MANILA, Philippines - Tatanggap ng insentibo ang mga Pambansang manlalaro na nagbigay ng karangalan sa mga sinalihang kompetisyon sa taong ito.

Pero wala sa talaan ng tatanggap ng pabuya mula sa Philippine Sports Commission (PSC) si dating world champion Dennis Orcollo na nanalo ng bronze medal sa idinaos na World Games sa Cali, Colombia.

Nilinaw naman ni PSC executive director Atty. Guiller­mo Iroy Jr., na wala sa ahensyang pinamumunuan ni Chairman Ricardo Garcia ang problema kundi sa pamunuan ng BSCP.

Ayon kay Iroy, nakipag-ugnayan na sila sa BSCP pero wala silang tugon sa hinihinging official report sa nilahukang torneo ni Orcollo.

“Hindi siya mabigyan ng insentibo dahil wala pang official report ang tournament na sinalihan niya. Sinabi ni Dennis na every four years ito kung gawin pero hindi natin ma-verify dahil walang tugon ang NSA,”  wika ni  Iroy.

Pasok na sa Incentives Act ang panalo ni Orcollo dahil kasama sa kinikilala ng batas ang mga palarong ginagawa tuwing apat na taon.

Halagang P1.8 milyon ang perang pakakawalan ng PSC sa seremonya sa gabing ito.

Mangunguna sa tatanggap ng insentibo ay ang Gilas National team na nanalo ng pilak sa FIBA Asia Men’s Championship upang makalaro uli ang Pilipinas sa World Cup sa Madrid, Spain sa susunod na taon.

Ang mga medalists ng Asian Indoor Martial Arts Games at Asian Youth Games ay tatanggap din ng ka­u­kulang gantimpala.

Show comments