FEU ibinalik uli ni Romeo sa itaas

MANILA, Philippines - Itinaas uli ni Terrence Ro­meo ang antas ng kan­­yang paglalaro upang wakasan ng FEU ang dalawang dikit na pagkatalo sa 76th UAAP men’s basketball nong Linggo.

Gumawa ng career-high na 30 puntos si Romeo upang balewalain ng Tamaraws ang di pag­lalaro ni RR Garcia at makumpleto ang 98-94 double-overtime panalo sa UE para manatili sa liderato sa 8-2 baraha.

Pinuri ni coach Nash Racela ang magandang ipinakita ng kanyang mga alipores lalo na sa endgame sa ikalawang overtime.

Bago ang larong ito, si Romeo ay nagtala lamang ng tig-10 puntos average nang matalo ang Tams sa National University at La Salle matapos manalo ng pitong sunod sa first round.

Ang tres ni Romeo sa huling 2:08 sa second OT ang nagbigay sa koponan ng 95-91 kalamangan tu­ngo sa pagbitbit ng unang panalo sa second round.

“Ni-remind ko lang sila na kailangan naming mag-step-up,” wika ni Romeo.

Dahil sa panunumbalik ng sigla sa kanyang pag­lalaro, si Romeo ang ginawaran uli ng mga mamamahayag na kumokober sa liga ng ACCEL 3XVI UAAP Press Corps Player of the Week award.

Ito ang ikaapat na pagkakataon sa season na siya ang kumuha sa lingguhang parangal at tinalo niya rito sina Jason Perkins ng La Salle, Kiefer Ravena at Ryan Buenafe ng Ateneo at Robin Rono ng National University.

 

Show comments