SBP, PBA mag-uusap para sa Gilas team

MANILA, Philippines - Isang pagpupulong na pangungunahan ng Sama­hang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at dadaluhan ng mga opisyales ng Philippine Basketball Association (PBA) ang gagawin upang mapagdesisyunan kung ano ang dapat gawin sa bubuuing Pambansang koponan na ilalaban sa malalaking kompetisyon sa 2014.

Ayon kay SBP executive director Sonny Barrios na dumalo sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura kaha­pon kasama ang consultant na si Moying Martelino, ma­sinsinang usapin ang mangyayari dahil hindi lamang isa kundi dalawa ang malalaking torneo na sasalihan ng National men’s team.

Ang pagkasungkit ng pilak na medalya sa katatapos na 27th FIBA Asia Men’s Championship ang nagbigay ng tiket sa Pilipinas para sumali sa 2014 FIBA World Cup sa Madrid, Spain.

Ngunit ang isa pang paghahandaan ng bansa ay ang Incheon Asian Games na gagawin isang linggo matapos ang World Cup dahil ang kompetisyon sa Madrid ay mula Agosto 30 hanggang Setyembre 14 habang ang Incheon Games ay  mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.

“We are fully aware na magkasunod ang dalawang malalaking tournaments na ito. Kaya isang malaking pagpupulong na hindi lamang dadaluhan ng SBP kundi pati ng PBA ang mangyayari. Kasama ang PBA dito dahil ang mga players na ginamit natin sa FIBA Asia ay galing sa kanila at maaaring ito rin ang sistema na gawin para sa World Cup at Asian Games,” paliwanag ni Barrios.

Hindi naman nakikita ni Barrios na sa lalong madaling panahon mangyayari ang pagpupulong lalo pa’t lahat ng tumulong para matiyak na matagumpay ang hosting ay magpapahinga muna.

Kasabay nito ay sinabi ni Barrios na kumita ang FIBA Asia sa gate receipts pero hindi ito nangangahulugan na tumubo pa ang organizers sa hosting na isinagawa.

 

Show comments