Iloilo nalusutan ang Canada

MANILA, Philippines - Naipakita rin ng Iloilo Province ang kanyang husay nang talunin ang Canada, 6-4, sa Little League Softbll World Series noong Sabado sa Alpenrose Stadium sa Portland, Oregon.

Nakauna ang Canada nang makapagpasok ng apat na runs sa unang inning pero inunti-unti ang pagbangon ng Asia-Pacific team para wakasan ang dalawang sunod na pagkatalo at makatabla ang Canada sa 1-2 baraha.

Si Ma. Aleona Langga ang namuno sa  pag-atake at ang kanyang single ang nagpapasok kay Royeve Palma para sa 5-4 kalamangan.

Pinalawig ni Langga ang kalamangan sa dalawang runs nang pumasok siya sa double ni Marie Caigid.

Si Palma din ang namahala sa mound nang magbigay lamang ng dalawang hits at may four strikeouts bilang pamalit na pitcher na pumukol sa huling apat na innings.

Sunod na kalaro ng Iloilo ay ang Sun­yside na kumakatawan sa West na nga­yon ay kasalo sa ikalawang puwesto ng Southwest sa 1-1 baraha.

Kailangang malagay sa pangalawang puwesto ang Iloilo sa Pool B para umabante sa semifinals.

 

Show comments