Jorge umaasang papayagan ng NU, La Salle-Zobel sina Subido at Cauilan na makalaro sa 3-on-3 sa AYG

MANILA, Philippines - Nananalig si Nic Jorge na pakikinggan ang kanyang apela sa National University at La Salle Zobel upang ipahiram ang mga pambatong manlalaro na sina John Paul Cauilan at Renzo Subido para sa Asian Youth Games sa Nan­jing, China.

Ang Pambansang de­legasyon na pamumunuan ni Nathaniel “Tac” Padilla ay aalis na sa Agosto 15 ngu­nit nakabitin pa rin ang manlalaro sa 3-on-3 basketball dahil hindi pa pinahi­hintulutan ng dalawang UAAP teams ang kanilang manlalaro.

Pasok naman na sa team sina Patrick Ramirez ng UST at George Go ng Xavier School pero kukula­ngin ang bansa ng dalawang manlalaro kung hindi papayagan sina Cauilan at Subido na top players sa UAAP  juniors.

“We are appealing to both schools to release their players just for this period. It’s a rare honor for a payer to represent his country in an international competition and the Asian Youth Games are the qualifiers for the World Youth Olympics so there’s a chance for these boys to advance into the world stage,” wika ni Jorge na siyang nagtatag ng BEST Center.

Si Jorge ang team ma­nager ngunit siya na rin ang magiging coach dahil ang naunang tinapik para sa puwesto na si Britt Reroma ay abala sa liga sa Cebu.

Nabili na ang ticket at binayaran na ang akomodasyon sa Nanjing nina Cauilan at Subido kaya’t masasayang ang mga ito kung hindi makakaalis.

Hiniling din ni Jorge sa pamunuan ng UAAP na gumawa rin ng kanilang aksyon tulad ng pagrerebisa sa orihinal na iskedul ng laro sa juniors upang hindi malagay sa alanganin ang kampanya ng NU at La Salle Zobel dahil sa pagkawala ng kanilang mga inaasahang kamador.

Si Subido ang nangu­ngunang scorer ng UAAP juniors sa kanyang 23.1 puntos bukod pa sa pumapangalawa sa steals sa 2.4 steals habang si Cauilan ay mayroong 18.4 puntos average para sa NU.

 

Show comments