MANILA, Philippines - Bumangon si top seed Rhenzi Sevillano mula sa isang fourth round loss matapos walisin ang sumunod niyang apat na laro at pinanood ang pagkatalo nina dating joint leaders Diego Claro, Aljie Cantonjos at Danilo Engay Jr. para kunin ang boys’ junior division crown sa Shell National Youth Active Chess Championship Mindanao leg sa SM Davao Event Center sa Davao City.
Tinalo ni Sevillano si Anthony Sagayno sa fifth round bago isinunod sina Jason Engay, John Acedo, Jason Nabatlao at Dexter Echalico para sa kanyang 8.0 points at pag-abante sa national finals ng annual event na inihahandog ng Pilipinas Shell.
Naipatalo naman ni Claro, ginitla si Sevillano sa fourth, ang dalawa sa kanyang huling apat na laban para tumapos sa solo second sa kanyang 7.5 points at angkinin ang ikalawang tiket sa grand finals na nakatakda sa Setyembre 14-15 sa SM Megamall.
Binigo naman ni top ranked Ella Moulic ng Holy Cross of Davao si No. 3 Airene Robillos sa fifth round bago isinunod sina Dhona Yngayo at Rose Aldovino para walisin ang seven-round girls’ junior side at sikwatin ang nag-iisang silya para sa grand finals.