MANILA, Philippines - Bumigay si Filipino cue-artist Carlo Biado sa mahalagang 23rd rack upang maisuko ang dikitang 11-13 pagkatalo kay Shane Van Boening sa finals ng US Open 8-ball na pinaglabanan kahapon sa Rio Hotel and Casino sa Las Vegas.
Tabla ang iskor sa 11-all at break ni Biado ngunit nagkaroon siya ng error upang pabalikin si Van Boening sa mesa tungo sa ran out at isang rack na kaÂlamangan.
Hindi na nagpabaya pa ang American cue artist sa 24th rack nang walisin niya ang mga nakalatag na bola upang maging kampeon galing sa winner’s rack.
Wala namang dapat ikahiya si Biado na kinailaÂngang alpasan ang loser’s side para makuha ang karapatang labanan si Van Boening sa race-to-13 finals.
Nalaglag sa one-loss bracket si Biado nang natalo kay Jayson Shaw, 1-8, tinuhog ng pambato ng bansa ang kababayang si Francisco Bustamante, 8-7, Sean Cheng, 8-6, at Filipino bet Warren Kiamco, 8-6.
Nagkita uli sina Biado at Shaw at binawian niya ito sa 8-2 panalo bago kinuha ang 8-5 tagumpay kay Walter Cheng na tinalo ni Van Boening para sa hot seat, 8-1.
Premyong $8,500.00 ang nakuha ni Biado sa torneo upang iakyat sa $39,350.00 ang kabuuang kita na napanalunan na niya matapos ang 11 torneo.
Si Kiamco ay tumapos sa pagsalo sa panglimang puwesto habang si Bustamante ay nakontento sa pakikisalo sa ikasiyam na puwesto kasama ang tatlong iba pang manlalaro.
Ito ang ikalawang pagkakataon na pumangalawa ang pambato ng bansa sa US Open tournaments matapos malagay sa ganitong puwesto si Dennis Orcollo sa US Open 10-ball na dinomina ni Rodney Morris ng US.