MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkikita, ang TMS-Army ang siyang may huling halakhak nang kunin nila ang mahirap na 25-22, 25-22, 25-27, 10-25, 15-13, panalo sa Cagayan Valley at okupahan ang unang puwesto sa Philippine Super Liga women’s Invitational Finals na pinagÂlabanan kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang Lady Troopers at Lady Rising Suns ang siyang inasahan na magtutuos sa kampeonato sa ligang inorÂganisa ng SportsCore at may ayuda pa ng Solar Sports, Mikasa at Asics, pero sa semifinals sila nagkita.
Ngunit ‘di nabigo ang mga panatiko sa women’s volleyball na makapanood ng championship match dahil napuno ng drama ang tagisan sa ligang may suporta pa ng PSC, The San Juan Arena, Healthway Medical, LGR outfitter, Lenovo, Vibram Five Fingers at PAGCOR.
Bumangon ang CagaÂyan Valley mula sa 0-2 iskor at itinabla ang best-of-five series sa 2-2 nang hindi mapigilan ang mga atake nina Joy Cases, Joy Benito at Shiela Pineda para magkaroon ng deciding fifth set.
Dalawang service aces ni Wendy Semana ang nagbigay sa Cagayan ng 3-0 kalamangan at ang mga atake nina Benito at Cases ay nagpalawig sa bentahe sa 12-6 upang mangailaÂngan na lamang ng tatlong puntos para kumpletuhin ang pagbangon sa masamang simula.
Pero sa ‘di maipaliwanag na kadahilanan, kumulapso ang laro ng tropa ni coach Nestor Pamilar habang lumabas ang masidhing determinasyon ng TMS-Army na maipanalo ang labanan.
Anim na sunod na puntos na kinatampukan ng mga kills ni Michelle Carolino at spiking error ni Pineda ang nagtabla sa magkabilang koponan sa 12-all.
Kumawala ng kill si Sandra delos Santos para bigyan ng 13-12 bentahe ang Cagayan pero ito na ang huling palakpak na ginawa ng mga panatiko ng Lady Rising Suns.
Hindi nadepensahan ang atake ni Carolino para itabla uli ang iskor bago ibinigay ni Juvelyn Gonzaga ang kauna-unahang abante sa Lady Troopers upang hawakan ang matchpoint.
Binigo naman ni Mary Jean Balse ang atake ng Cagayan para wakasan ang laro.
Ang mananalo sa pagitan ng Cignal at Petron na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito ang siyang kalaban ng Army sa Finals.