MANILA, Philippines - Nasayang ang maagang pamamayagpag ng nagdedepensang kampeon na si Dennis Orcollo nang makawala ang seven-rack lead tungo sa 13-10 pagyuko kay Rodney Morris sa US Open 10-ball Championship na natapos kahapon
Lumayo si Orcollo sa 9-2 sa race-to-13 finals pero nanlamig ito at isa na lamang ang naipanalo sa huling 12 racks na pinaglabanan.
Inisa-isa ni Morris, tumapos sa 13th puwesto noong nakaraang taon, ang rack na hinarap at unang pang nakarating sa hill, 12-10.
Nabigyan pa ng pagkakataon si Orcollo na makadikit sa isa nang magmintis sa huling 10-ball si Morris pero wala na ang puslo sa pagtumbok ng Filipino cue-artist dahil sumablay din ang tirang madalas niyang naipapasok para ibigay ang korona kay US playerat $15,000.00 unang gantimpala.
Ang panalo ang kumumÂpleto sa undefeated run ni Morris at ang iba pang bigating manlalaro na kanyang pinataob ay sina Lee Van Corteza (9-2), Jia Qing Wu (9-4), Dennis Grabe (9-3), John Morra (9-3), Marc Vidal (9-3) at Thorsten Hohmann (9-8).