MANILA, Philippines - Hindi na mapipigil pa ang paglahok ng Laguna sa World Senior League Softball Series sa Lower Sussex sa Delaware sa Agosto.
Ito ang tiniyak nina coach Lorena Bernardino at Laguna Provincial Sports and Games Development head Albert Abarquez matapos ihayag ang pagkakaroon ng pondo na gagamitin sa pagbiyahe ng koponang nanalo sa Asia-Pacific na ginawa Clark, Pampanga.
Noong 2007 ay nakapasok rin ang Laguna sa World Series pero di nakaalis ng bansa dahil sa kawalan ng pondo.
“Nawalan kami ng time na makahanap ng pondo dahil dikit ang Asia Pacific at World Series noon. Pero ngayon, wala ng makakapigil sa pag-alis namin para katawanin ang Pilipinas sa World Series,†wika ni Bernardino.
Dinugtungan pa ni Abarquez na mismong ang ama ng Laguna na si Governor Jeorge “E.R.†Ejercito Estregan ang unang-una sa sumusuporta sa koponan na kakampanya para sa 16-to-18 age bracket.
“May pera na para pambayad sa visa application papers para maisaayos agad ito. Utos mismo ni Governor na ibigay ang lahat ng dapat na tulong sa delegasyon para makalaro sa World Series,†ani pa ni Abarquez.
Naniniwala si Bernardino na lalaban ang Golden Lio-ness dahil mahusay silang dumepensa at may mahuhusay na pitcher sa pangunguna ni Gaizel Dilay, na kinilala bilang Aspac best pitcher.
Aasahan din ang hitting nina Angelone Maloto, Ellaine Juanillo, Meryvic Bernardino at Mercynell Arroyo.
Ang Laguna ang isa sa apat na Philippine team na lalaro sa World Softball Series.
Ang iba pang aalis ay ang Iloilo na lalaro sa Little League (11-12) sa Portland, Oregon at sa Junior sa Kirkland, Washington, habang ang Manila ay magdedepensa ng titulo sa Big League sa Lower Sussex.