Philippine Super Liga Rising Suns, Lady Troopers pupuwesto na sa Final Four

Laro Ngayon

(Philsports Arena,

Pasig City)

2 p.m. PLDT-MyDSL

vs Cignal

4 p.m. TMS-Philippine Army vs PCSO-Bingo Milyonaryo

6 p.m. Petron

vs Cagayan Valley

 

MANILA, Philippines - Iiwas ang Cagayan Val­ley at TMS-Army sa anu­mang kumplikasyon sa pagnanasa na umabante na sa semifinals sa Philippine Super Liga Invitational sa pagtatapos ng eliminasyon ngayon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Sisikaping bumangon ng Lady Rising Suns mula sa pagkadapa sa huling laban sa pagbangga sa Petron sa ikatlo at huling laro dakong alas-6 ng gabi.

Ang Lady Troopers ay makikipagsukatan sa PCSO-Bingo Milyonaryo sa ikalawang laro na magsisimula matapos ang unang tagisan sa hanay ng PLDT-MyDSL at Cignal sa ganap na alas-2 ng hapon.

Magkasalo sa unang puwesto ang Cagayan Valley at TMS-Army sa 3-1 kar­ta at kung manalo sa ka­nilang mga asignatura ay diretso ng papasok sa Final Four.

Ngunit kung masilat sila, hihigpit ang tagisan na ibi­nibigay na insentibo sa dalawang mamumunong koponan dahil puwedeng maging tatlo o apat na koponan ang mag-aagawan sa puwesto.

Sa format ng liga, ang dalawang mangungunang koponan ay maghihintay na sa semifinals habang cross-over ang magaganap sa maiiwang apat para madetermina ang dalawa pang aabante sa Final Four.

Dumanas ng 18-25, 21-25, 22-25, straight sets na pagkatalo ang Cagayan Valley sa kamay ng Cignal para matapos ang tatlong dikit na panalo.

Ang liga ay suportado ng Solar Sports, Asics at Mikasa ay may ayuda pa ng PSC, San Juan Arena, Healthway Medical, LGR outfitter, Lenovo, Vibram Five Fingers at Pagcor.

Show comments