GTK payag na sa US track coach

MANILA, Philippines - Wala ng sagabal pa sa pagpasok ni US athletics coach Ryan Flaherty sa Pambansang koponan.

Ito ang sinabi ni PSC chairman Ricardo Garcia kaha­pon matapos ang pagpayag na ni PATAFA president Go Teng Kok na tumulong si Flaherty na ang husay ay nasa middle distance.

Aminado si Garcia na hindi muna nila ipinaalam ang planong pagpasok ni Flaherty sa National team o ang pag­dating ng mga Fil-Ams na maaaring manalo ng ginto sa SEA Games dahil wala pang kasiguruhan ang mga plano.

“Dumating si Ryan pero sandali lamang siya rito at hindi malaman kung babalik pa ba siya. Pero noong nasigurado na natin na babalik siya at talagang gusto niyang tumulong sa National  team, saka na namin  kinausap si Go sa pamamagitan ni commissioner Jolly Gomez,” wika ni Garcia.

Naunang nagalit si Go sa aksyon ng PSC dahil ang PATAFA lamang ang may karapatang magrekomenda ng atleta at coaches na aaprubahan ng Komisyon.

Ngunit naipaliwanag ni Gomez ng maayos ang sitwas­yon at nasundan pa ito ng pagkikita nina Go at Garcia sa isang hapunan para mapapayag ang kontrobersyal na PATAFA head.

Naalis ang anumang galit ni Go nang tiyakin ni Garcia na walang matatanggal sa hanay ng mga local coaches.

“Hindi papalitan ni Ryan ang mga local coaches. Tutulong lamang siya para mas gumanda ang tsansa nating manalo ng ginto sa Myanmar SEA Games,” dagdag ni Garcia.

Si Flaherty ay darating uli sa bansa sa Agosto at mamamalagi na siya hanggang sa matapos ang SEA Games.

Posibleng may bitbit pa siya na isa o dalawang US coaches sa throwing events dahil nagpapahanap din ang PSC ng ganitong coaches para lumakas ang laban ng mga pambato sa shotput, hammer throw at javelin throw.

 

Show comments