Hanggang Miyerkules na lang, deadline ng PBA sa Sports5

MANILA, Philippines - Napuno na ang Philippine Basketball Association hinggil sa kabiguan ng kanilang official TV coveror na Sports5 na maghain ng magandang proposal para sa pagpapalabas ng mga laro ng liga.

Binigyan kahapon ng PBA Board ng ultimatum ang Sports5 ng hanggang Miyerkules para resolbahan ang naturang isyu.

“To simplify matters, the board simply said Sports5 must show our games live on one single VHF channel,” wika ni PBA Commissioner Chito Salud sa patatapos ng presentasyon ng Sports5. “Whether it’s on IBC 13 or TV5, it’s their choice. That’s the final position of the PBA on the matter.”

Gusto ng Sports5 na ipalabas ang mga aksyon ng PBA sa dalawang magkaibang television channel.

Sa presentasyon nina Peter Chanliong at Vitto Lazatin, isasaere ng Sports5 ang mga laro sa ganap na alas-5:45 ng ha­pon sa IBC 13, habang ang ikalawang laro ay sa alas-8 ng gabi at mapapa­nood sa TV5 tuwing Miyerkules at Biyernes.

Ang mga laban tuwing Sabado at Linggo ay isasa­ere sa  TV5 simula alas-3 ng hapon.

Idinagdag pa ng mga network officials na plano nila sa susunod na PBA sea­son na ipapalabas ang unang laro sa Aksyon TV at ang ikalawang laro ay sa TV5 tuwing Miyerkules at Biyernes. Ang mga laro tuwing Sabado at Linggo ay isasa­ere din sa TV5.

Magtatapos ang kontrata ng Sports5 sa pro league sa 2016.

Kung mabibigo ang Sports5 na makapaghain ng magandang proposal sa PBA ay may karapatan itong magpataw ng parusa o multa sa network base sa nakasaad sa kanilang multi-year P917-million contract.

 

Show comments