MANILA, Philippines - Hindi uuwing bokya ang Pambansang delegasyon na inilalaban sa 4th Asian Indoor & Martial Arts Games sa Incheon, Korea.
Si Rubilen Amit ang siyang nagbigay ng unang medalya sa bansa nang kunin ang bronze medal sa women’s 10-ball na pinaglabanan kahapon.
Nanalo si Amit kina Tan Ho Yun ng Chinese Taipei, 7-3, Godwa Thamme na Independent Olympic Athletes, 7-0, at Fathrah Masum ng Indonesia para pumasok sa quarterfinals.
Pero nakatapat ng 31-anyos na si Amit ang 2009 AIG 9-ball gold medalist na si Yu Ram Cha na umarangkada agad sa 4-0 bentahe tungo sa 7-3 panalo.
Ito ang unang medalya ng Pilipinas at magtatangka pa si Amit na madagdagan ito sa pagsali sa 9-ball event na kung saan makakatapat niya sa unang laban ngayon ang mahusay na si Fu Xiaofang ng China.
Si Iris Ranola na nanalo ng dalawang ginto sa 2011 SEA Games ay lumaban din para sa bansa pero matapos manalo kay Tran Thi Truc Xinh ng Vietnam, 7-2, ay natalo sa round-of-16 kay Shu Wah Hoe ng Singapore, 7-6.
Lalaban din si Ranola sa 9-ball at unang laro niya ay kontra kay Thi Ngoc Huyen Huynh.
Sa dalawang lady cue-artists na lamang aasa ng posibleng gintong medalya ang Pilipinas matapos malagas agad ang ipinagmamalaking limang muay artists.
Hindi rin pinalad ang mga men’s cue-artists na lumaban sa 3-cushion at snooker team nang namaalam agad.
Si Francisco dela Cruz ay dinurog ni Ryuji Umeda ng Japan, 40-25, sa 3-cushion habang ang koponan nina Michael Angelo Mengorio, Felipe Tauro Jr. ay dumapa kina Karam Fatima at Omar Al Kojah ng Syria sa team snooker, 3-0.
Wala ring sigla ang laban ng mga national bowlers nang hindi nakapasok sa top eight ang men’s at women’s sa doubles event.
Sina Jeremy Posadas at Raoul Miranda ay nalagay sa ika-16 puwesto lamang sa 2336 sa kalalakihan habang sina Krizziah Lyn Tabora at Liza Del Rosario ay nalagay sa ika-13 puwesto sa kababaihan sa 2217 iskor.
Hindi sumablay ang Pilipinas sa pagsungkit ng gintong medalya sa naunang tatlong edisÂyon at ang pinakaÂproduktibong taon sa tuwing kada-dalawang taong kompetisyon ay nangyari noÂong 2009 sa Hanoi, Vietnam sa isang ginto, apat na pilak at limang bronze medals