Pacquiao sa basketball muna nagpapakondisyon
MANILA, Philippines - Kung nagpapapawis si Brandon Rios sa boxing ring, nagpapakondisyon naman si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa basketball court.
Sinabi ni Pacquiao na ito ang una niyang ginagawa bago sumabak sa training camp nila ni chief trainer Freddie Roach sa Agosto sa Wild Card Boxing Gym sa Holywood, California.
Ayon sa Sarangani Congressman, inaasahan niyang magiging maganda ang kanilang non-title, welterweight fight ng 27-anyos na si Rios sa Nobyembre 24 sa The Venetian sa Macau, China.
Nauna nang sinimulan ni Rios ang pagpapakondisyon sa ilalim ni Mexican trainer Robert Garcia, ang chief trainer din ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Naghanda si Bob Arum ng Top Rank Promotions ng isang six-city promotion tour para sa banggaan nina Pacquiao at Rios simula sa Hulyo 28.
Kasama dito ang three-city tour sa China sa mga lungsod ng Guangzhou, Shanghai at Beijing, ayon kay Arum.
Matapos ang nasabing three-city Chinese tour, dadalhin ang promotional tour nina Pacquiao at Rios sa Singapore sa Oktubre kasunod ang isang press conference sa New York at Los Angles.
- Latest