Kampanya ng Pirates sa NCAA Season 89th palalakasin: Chua consultant ng Lyceum

MANILA, Philippines - Pinagtibay ng Lyceum of the Philippines ang kanilang coaching staff nang kunin si Barangay Ginebra coach Alfrancis Chua bilang consultant ng koponan sa Season 89 sa NCAA.

Opisyal na itinalaga si Chua sa nasabing puwesto noong Biyernes ng gabi sa simpleng pagpapakilala sa beteranong coach ng pamunuan ng Pirates sa The Bay­leaf Hotel.

“I found challenge kaya tinanggap ko na maging consultant. Parang Ginebra itong Pirates, hindi malakas at matatangkad pero lalaban ito ng sabayan,” wika ni Chua.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na tutulong si Chua sa Lyceum dahil noon pa man na hindi pa kasapi ang koponan sa NCAA ay tumutulong na siya sa pagdis­karte kasama si coach Bonnie Tan.

“Parang anak ko na si coach Bonnie kasi 15-years old pa lamang siya ay player ko na siya. Nagkaroon na kami ng pag-uusap sa balak naming gawin this season. Ang kailangan lamang na itanim sa isipan ng mga players is that they have to realize kaya nilang manalo at hindi dapat na makontento na pahirapan lamang ang kalaban sa first two quarters,” dagdag ni Chua.

Masaya naman si Tan sa pagpayag ni Chua na opisyal na mapabilang sa Pirates.

“Credibility sa bench ang unang maibibi­gay ni coach Al sa amin. We also want to show to everybody that Lyceum is dead se­rious in our basketball program that is why we really wanted to get coach Alfrancis,”  ani Tan.

Sinimulan na nina coaches Chua at Tan ang pagpaplano sa gagawin sa koponan at pakay ng Pirates sa papasok na NCAA season na makapagtala ng pitong panalo.

“Noong first year namin ay naka-seven wins kami kaya ito ang target ko this year na makapitong panalo uli. Kung anuman ang maging puwesto namin, kung sapat ito para makapasok sa Final Four ay hindi na mahalaga basta makapito dapat kami this year,” dagdag ni Tan.

Si Shane Ko ang mangunguna sa kopo­nan at siya rin ang itinalaga bilang team captain ng Pirates.

Show comments