‘Thrilla in Manila II’ tampok si Pacquiao

MANILA, Philippines - Posible bang mangyari ang ‘Thrilla in Manila Part 2’?

Kung si Top Rank Inc. CEO Bob Arum ang tatanungin ay malaki ang posiblidad na maganap ito sa paglaban ni Filipino world eight-division Manny Pacquiao.

Ito ay dahil sa pagtatayo ng apat na malala­king casino sa Manila Bay waterfront.

“You gotta understand, they filled in part of the waterfront around Manila Bay and they’re building four unbelievably luxu­rious casinos,” paliwanag ni Arum sa panayam ng Radio Rahim. “Those casinos should be up and running in the next year.”

Para sa pagbubukas ng naturang mga casino, sinabi ni Arum na kaila­ngan itong maging malaki at pag-uusapan sa buong mundo.

Noong 1975 ay idinaos ang ‘Thrilla in Manila’ na nagtampok sa laban nina boxing greats Muhammad Ali at Smokin’ Joe Frazier sa Araneta Coliseum.

Ang MOA Arena sa Pasay City, ang pinakamalaking indoor stadium sa Pilipinas, ang pinakamalapit na venue sa naturang mga casino, ayon kay Arum.

“They gonna want to put an event in The Arena that’s very, very close by,” wika ni Arum “They’re gonna use the Manny Pacquiao fight to bring players around Asia.”

Nauna nang nagdala si Arum ng boxing event sa The Venetian sa Macau, China.

Sa Nobyembre 24 ay nakatakdang labanan ni Pacquiao si Brandon Rios sa The Venetian sa isang non-title fight.

Umaasa si Arum na makikita si Pacquiao sa ‘Thrilla in Manila II’ bago magretiro ang Sarangani Congressman.

Ang ‘Thrilla in Manila I’ ay ang ikatlo at huling paghaharap nina Ali at Frazier para sa WBC at WBA heavyweight titles.

Tinalo ni Ali si Frazier sa naturang laban sa Big Dome.

 

Show comments