12 ginto iuuwi ng Pinoy tracksters sa Myanmar SEAG

MANILA, Philippines - Idineklara nina natio­nal coaches Joseph Sy at Roselyn Hamero ang kakayahan ng national track and field athletes na manalo ng hanggang 12 ginto sa Myanmar SEA Games.

Sina Marestella Torres, Rene Herrera at ang 4x400-m relay team ang mga tinukoy ng dalawang coaches na mga tiyak na sa gintong medalya matapos dominahin ang mga events sa 2011 Indonesia SEA Games.

“Wala pa ring makaka­talo kay Marestella at Rene base sa aming mga records,” wika ni Sy na nakasama si Hamero sa SCOOP sa Kamayan-Padre Faura kahapon.

Ang 4x400-meter  relay team na binuo nina Alejan Edgardo Geronga Jr., Julius Nierras, Junrey Bano at Archand Christian Bagsit ay pumangalawa sa Indonesia pero na-disqua­lify ang nanalong Malaysia nang bumagsak ang mga ito sa drug testing.

Tinuran din nina Sy at Hamero si Fil-Am Eric Cray sa 400-m hurdles bilang palaban sa ginto habang ang mga nanalo ng pilak na sina Arniel Ferrera (hammer throw), Henry Dagmil (long jump), Eric Panique (marathon), Mervin Guarte (800-m at 1500-m), Rosie Villarito (javelin throw) at Narcisa Atienza (heptathlon) ang mga puwedeng makakuha ng ginto sa Myanmar. (ATan)

Show comments