Beermen, Warriors giyera sa Game 1

Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena, Pasig City)

8 p.m. San Miguel Beer vs Indonesia Warriors

 

MANILA, Philippines - Sisimulan sa gabing ito ang mainitang tagisan sa hanay ng San Miguel Beer at Indonesia Warriors para sa ASEAN Basketball League (ABL) Finals sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Kapwa nakikita nina Beermen coach Leo Austria at Warriors mentor Todd Purves na giyera ang magaganap sa court mula sa ganap na ika-8 ng gabi dahil sa kahalagahan ng  makauna sa best-of-five title series.

“Game one is very pi­votal because we will see what may happen in this best-of-five series after the first game,” wika ni Austria na kasama si Purves ay humarap sa mga mamamahayag kahapon sa SMC office sa Ortigas.

Dahil dito, gagawin nila ang lahat ng puwedeng gawin para manalo at hawakan ang momentum pa­tungo sa Game Two sa Linggo na gagawin din sa nasabing venue.

“Mahalaga itong homecourt advantage kaya hindi namin dapat na maisuko ang kahit isang laro rito,” dagdag nito.

Kinilala ni Austria na mas beterano ang Warriors dahil mas matagal na silang magkakasama pero sasandalan ng koponan ang local crowd bukod pa sa husay sa pagdepensa at ang naglalakihang frontline para makuha ang panalo.

Sa panig ni Purves, sinabi niyang mas mahirap na laban ang nakikita niya dahil mas malakas ang Beermen ngayon kumpara sa kopo­nan na tinalo ng Warriors para sa kampeonato noong nakaraang taon.

“I respect San Miguel Beer because they are a class team. They are very talented in every position,” banggit ni Purves.

Ngunit may pangontra siya sa mga ito at ito ay ang bangis sa paglalaro ng transition bukod pa sa dedikasyon at pagpupursigi na maipanalo ang bawat larong hinaharap.

Si Stanley Pringle ang kamador ng Warriors pero naririyan din sina Mario Wuysang, Jerick Canada, Steve Thomas at Chris Da­niels para pasikatin uli ang Indonesia.

 

Show comments