MANILA, Philippines - Sina Chris Banchero at Asi Taulava ng San Miguel Beer ay kasama sa limang manlalaro na pinagpipilian para maging 2013 ASEAN Most Valuable Player sa ASEAN Basketball League.
Nakasama ng dalaÂwang Beermen sina Filipino imports Froilan Baguion ng Sports Rev Thailand Slammers at Jai Reyes ng Saigon Heat at Mario Wuysang ng Indonesia Warriors.
Pangangalanan ng pamumuan ng ABL ang MVP ngayon.
Kinilala ang nagawa nina Banchero at Taulava para maiposte ng Beermen ang 16-game winning streak tungo sa paghablot ng unang puwesto sa elimination round sa 19-3 karta.
Hindi man nakasama sa kabuuan ng winning run, lalabas na produktibong taon pa rin ito kay Banchero matapos maghatid ng 16.4 puntos average kada laro.
Ang 6’9 na si Taulava ay hinahangaan dahil sa edad na 40 ay kaya pa rin niyang sabayan ang mga bata at mahuhusay na manlalaro sa ABL. Patunay ito sa kanyang 10.9 puntos at 7.4 rebounds averages.
Si Baguion na dati ay manlalaro ng Beermen, ang nangunguna sa assists (9.2 feeds) at pangalawa sa steals (2.7 steals) at kauna-unahang manlalaro sa liga na nakaposte ng triple-double (10 puntos, 11 rebounds at 11 assists) noong Abril 5 laban sa Heat.
May 13.80 puntos, 5.95 assists at 2.7 rebounds ang ibinibigay ni Reyes para sa Saigon Heat habang si Wuysang ang humalili sa puwestong pansamantalang iniwan ng na-injured na si Stanley Pringle matapos umiskor ng double-digits ng 12 beses at may 11.9 points average sa taon.