ABAP boxers umangat sa PNG
MANILA, Philippines - Pinangunahan ni 2010 Asian Games gold medalist Rey Saludar ng Philippine Army ang pagkolekta ng mga bigating pangalan sa boxing competition sa pagtatapos ng 2013 PSC-POC National Games kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex.
Tinalo ni Saludar, sumuntok ng gintong me-dalya sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China at tansong medalya sa 2011 Southeast Asian Games sa Laos, si Gerson Nietes, 21-17, ng Philippine Air Force sa final round ng men’s flyweight division.
Dinomina naman ni 2012 World Youth champion Eumir Felix Marcial ng Zamboanga si Darwin Tindahan, 28-10, ng Air Force para makuha ang gold medal sa light welterweight class.
Ang iba pang nagbulsa ng gintong medalya sa men’s division ay sina welterweight Dennis Galvan, light weight Junel Cantancio at middleweight Rolando Tacuyan ng Air Force, light flyweight Regel Lou Alde, flyweight Vergel Deguma at Angelou Plania ng General Santos City at pinweight Jeric Fernando ng Zamboanga.
Sa women’s class, naÂmayagpag sina World Women’s gold medal winner Josie Gabuco, 2011 SEAG queen Alice Aparri at 2012 Olympic Games campaigner Nesty Petecio.
Binigo ni Gabuco ng Philippine team ang kakamping si Flores Jeanvee, 21-4, para kunin ang ginto sa women’s flyweight division, habang tinalo ng national team mainstay na si Aparri si Nice Petecio, 15-6, sa bantamweight class at iginupo ni Petecio ng Davao si Riza Pasuit ng Negros, 31-5, sa featherweight category.
Sa athletics sa Philsports Arena sa Pasig City, inangkin ni Jessa Mangsat ang kanyang ikalawang gintong medalya nang pagreynahan ang women’s 10,000-meter run mula sa kanyang oras na 39.23.29.
Ang iba pang kumuha ng gold medal ay sina Isidro Del Prado, Jr. sa men’s 200m dash (22.01), Josie Malacad sa 400m hurdles (1:02.44), Reveneth Jayed Penarubia sa women’s 200m dash (28.13) at Ramil Jesson Cid sa men’s 400m run (49.42).
Ginitla naman ni Rafael Poliquit si Olympian Eduardo Buenavista sa 10,000m run matapos magtala ng oras na 32.02.49 para sa kanyang ikalawang gold.
- Latest