Ravena nagpasiklab sa panalo ng Eagles vs Archers

MANILA, Philippines - Hindi napigil si Kiefer Ravena para bitbitin ang Ateneo sa 78-70 panalo laban sa La Salle sa pagkikita ng magkaribal na paaralan sa UAAP sa Filoil Flying V Hanes Pre-season Tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Anim lamang ang naisablay ni Ravena sa 19 kabuuang buslo sa laro  tungo sa  31 puntos habang may 15 puntos si Juami Tiongson at ang Blue Eagles ang nanguna sa Group B matapos makatabla ang Green Archers sa 7-1 baraha.

May 18 puntos agad si Ravena sa first half para ilayo ang Ateneo sa 42-33 habang ang tres ni Anton Asistio ang nagpalawig sa 14, 67-53, sa kanilang kalamangan.

Isang 8-0 bomba ang ginawa ng La Salle para tapyasan ang kalamangan sa anim, 67-61, pero gumanti ng 9-4 palitan ang Ateneo na tinapos ng 3-point play ni Vince Tolentino upang ibalik sa 11 ang kanilang bentahe, 76-65, sa huling dalawang minuto.

Bagamat number one, hindi naman tiyak kung  maglalaro pa ang Eagles ‘di lamang sa Filoil kundi sa lahat ng pre-seasons na sinasalihan matapos lumabas ang balitang pullout upang ipahinga ang injuries ng mga manlalaro.

Bumanat naman ng 18 puntos si Rome dela Rosa para pamunuan ang apat na San Beda Red Lions na may doble-pigura tungo sa 75-68 panalo sa Adamson University sa isa pang laro.

Tinapos ng NCAA champion San Beda ang elims sa 6-2 karta para makasalo ang Arellano sa karta.

Pero tinalo ng Chiefs and Lions, 67-66, sa kanilang pagtutuos upang angkinin ang ikalawang puwesto kasunod ng walang talong National University (8-0).

 

Show comments