Wala pa ring kupas si Lacuna, naka-3 gold agad

MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, dinomina ni Olympic Games campaigner Jessie Khing Lacuna ang kanyang mga events sa swimming competition ng 2013 PSC-POC National Games sa Rizal Memorial Swimming Pool.

Tatlong gintong me­dal­ya ang nilangoy ng 19-an­yos na si Lacuna, sumabak sa 2012 Olympic Games sa London, sa 100-meter at 400-meter freestyle at sa 200-meter butterfly ng boys’ 16 and over division.

Nagposte si Lacuna ng Pulilan, Bulacan ng bilis na 53.15 segundo para talunin sina Jetrho Roberts Chua (55.77) ng Caloocan City at Franz Marquez (56.77) ng Quezon Province at angkinin ang ginto sa 100m freestyle.

Kinuha naman ni Lacuna ang ginto sa 400m freestyle mula sa kanyang oras na 4 minuto at 7.86 segundo kasunod sina national athlete Fahad Alkhaldi (4:08.79) at Chua (4:17.18) at naghari sa 200m butterfly sa likod ng kanyang bilis na 2:18.59 para iwanan Giovanni Trapila (2:43.31) at Joshua Philippe Gumban (3:11.96) ng Iloilo.

Lalangoy pa si Lacuna sa 200m freestyle, 400m individual medle, 100m butterfly, 200m IM, 50m freestyle at 100m breast stroke.

 Sa billiards sa RMSC, tinalo ni Iris Ranola, inangkin ang mga gintong me­dalya sa 9-ball at 8-ball events sa 2011 Southeast Asian Games, ang 13-an­yos na si Cheska Centeno ng Zamboanga City mula sa kanyang 9-7 panalo sa kanilang finals showdown.

Tinapos ni Ranola ang arangkada ni Centeno na bumigo ng dalawang beses kay SEAG veteran at dating World Pool 9-ball runner up Rubilen Amit .

Nabigo naman si bil­liards legend Efren “Bata” Reyes kay Reynaldo Grandea, 38-40, kanilang 3-cushion gold medal match sa snooker event.

 

Show comments