MANILA, Philippines - Isang tubong Baguio City ang bumasag ng record sa women’s 3,000-meter steeplechase, habang hindi naman nakaÂlahok sina Olympian Marestella Torres at Rene Herrera sa kanilang mga event sa pagpapakawala sa athleÂtics competition ng 2013 PSC-POC National Games kahapon sa Philports Arena sa Pasig City.
Nagposte si Jessa Mangsat ng bagong tiyemÂpong 11 minuto at 25.70 segundo para angkinin ang gold medal sa women’s 3,000-meter steeplechase event at burahin ang luÂmang national mark na 11:28.54 na itinala ni Jean Palencia ng University of Santo Tomas sa UAAP track and field competition noong 2009.
Tinalo ni Mangsat para sa gintong medalya sina Jennismyll Magbunga ng FEU at Flordeliza Donos na naglista ng mga oras na 11:43.15 at 11:56.90, ayon sa pagkakasunod.
Dahil dito, malaki ang tsansa ni Mangsat, nag-aaral sa University of Baguio, na mapabilang sa national team na isasabak sa darating Southeast Asian Games sa Myanmar sa Disyembre.
Sa hindi naman paglaÂlaro ni Torres ay si KatheÂrine Santos ng Baguio City ang kumuha ng gintong medalya sa women’s long jump mula sa kanyang lundag na 5.66 metro kasunod sina Felyn Dolloso (5.42m) ng Run for Change team at Joy Albinio (5.30m) ng University of Santo Tomas.
Sina Torres at Herrera ay kapwa hihingan ni PSC chairman Richie Garcia ng medical certificate kung totoong may injury kaya hindi sila nakasali sa 2013 National Games.
Sinamantala rin ni Christopher Ulboc ng Run for Change team ang hindi paglahok ni Herrera nang sikwatin ang gold medal sa men’s 3,000-m steeplechase sa bilis na 9:05.65.
Ang 22-anyos na si Ulboc ng Tangub, Misamis Occidental ay nakakuha ng apat na gintong medalya sa isang UAAP season para sa FEU.
Naghagis naman si Rosie Villarito ng 48.55 metro para kunin ang gold medal sa women’s javelin throw.
Ang ginto sa women’s high jump ay inangkin ni Joeann Bermudo matapos tumalon ng 1.59 metro.
Sa archery sa PUP Range sa Sta. Mesa, Manila, ibinulsa nina Jezreel Mitzi, Kareel Meer Hongitan at Gaway Tricia Bomogao ng Baguio City ang ginto sa junior women’s team recurve, habang nakatuwang ni Luis Gabriel Moreno ng AIM-X team sina John Philip Santiago at Michael Cabral sa pamamayani sa boys’ division.