MANILA, Philippines - Wala pang katiyakan kung maglalaro si import Tony Mitchell para sa Talk ‘N Text sa darating na 2013 PBA Governors Cup na nakatakda sa Agosto14.
Ito ay dahil sa plano ng 6-foot-5 na si Mitchell na subukan ang kanyang kapalaran sa mga mini camps ng tatlong koponan sa NBA at maging sa NBA Summer League sa Las Vegas, Nevada.
Si Mitchell ang hinugot ng Tropang Texters sa kanilang pagsagupa sa Ginebra sa best-of-five semifinals series ng nakaraang 2013 PBA Commissioner’s Cup na pinagharian ng Alaska Aces.
Ang slam dunk champion ng NBA D-League ang kinuha ng Talk ‘N Text bilang kapalit ni seven-footer Jerome Jordan sa Game Three ng kanilang semis showdown ng Ginebra.
Tinalo ng Gin Kings ang Tropang Texters sa Game Five para makatapat ang Aces sa best-of-five championship series kung saan winalis ng Alaska ang Ginebra, 3-0, para sa kanilang pang-14 PBA title.
Ipaparada ng Aces si Wendell McKines, samantalang ibabandera ng Gin Kings si Dior Lowhorn, kumampanya para sa Saigon Heat sa Asean Basketball League.
Ang iba pang reinforcements makikita sa 2013 PBA Governors Cup ay sina balik-import Arizona Reid (Rain or Shine), Zach Graham (Air21), Marqus Blakely (San Mig Coffee) at Mike Singletary (Barako Bull).
Ang Elasto Painters, hindi na kinuha si Jamelle Cornley dahil sa knee injury nito, ang nagkampeon sa naturang torneo noong nakaraang taon.(Rcadayona)