Cast ng semis kinumpleto ng Big Chill sinibak ang Fruitas sa ot

Laro sa Martes

(Blue Eagle Gym)

2 p.m.  Big Chill vs NLEX

4 p.m.  Boracay Rum vs Blackwater Sports

 

MANILA, Philippines - Hindi na binitiwan ng Big Chill ang kumpiyansang nakuha sa huling segundo sa regulation para daigin ang Fruitas, 89-83, sa overtime sa pagtatapos kahapon ng PBA D-League Foundation Cup quarterfinals sa Blue Eagle Gym sa Katipunan, Quezon City.

Naipasok ni Mar Villahermosa ang mahalagang tres para mauwi sa tabla ang regulation, 75-all, bago nagtulungan sina Villahermosa, Terrence Romeo, Janus Lozada at Jeckster Apinan sa limang minutong extension para umabante ang tropa ni coach Robert Sison sa semifinals.

“Hindi ko na inasahan na mananalo pa kami hanggang naipasok ni Mar ang kanyang 3-pointer. Maganda itong senyales na mature na ang mga players namin,” wika ni Sison.

Tig-20 puntos ang ginawa nina Apinan at Romeo habang ang baguhang si Apinan ay mayroon ding 19 boards.

Ang semifinals na inilagay sa best-of-three series ay sisimulan sa Martes at ang makakalaban ng Superchargers ay ang nagdedepensang kampeon na NLEX. Ang Blackwater Sports at Boracay Rum ang magtutuos sa isang pares ng semis.

Nasayang naman ang naunang malakas na panimula ng Shakers na pumasok sa laban bilang number four team at may bitbit na twice-to-beat advantage.

Umabante sa 13 puntos sa halftime ang Shakers, 40-27, pero bumaba ang kanilang produksyon sa sumunod na mga quarters para mamaalam sa liga.

Nagkaroon ng pagkakataon ang Shakers na makuha ang panalo sa regulation matapos malagay sa free throw line si Roger Pogoy at angat sila ng tatlo.

Pero mintis ang mga buslo ni Pogoy at matapos ang timeout ni Sison ay naipasok ni Villahermosa ang panablang tres.

Nanguna sa Fruitas si Pong Escobal para na tumapos ng 18 puntos.

 

Show comments