Caluscusin umukit pa ng 2 ginto sa PNG gymnastics

MANILA, Philippines - Gumawa ng ingay si Jean Caluscusin ng Natio­nal Capital Region matapos kumuha ng tatlong gintong medalya sa 2013 POC-PSC Philippine National Games.

Kumubra ang 5-foot-2 na si Caluscusin ng dalawang gold  medal sa clubs (8.025 points) at ribbon (8.25 points) events ng senior rhythmic gymnastics individual competitions sa Rizal Memorial Gymnastics Center.

Idinagdag ng miyembro ng Far Eastern University cheering squad ang gintong medalya sa nauna ni­yang pinagwagiang individual all-around event.

“Masaya rin ako dahil ako ang lumabas na top athlete sa rhythmic gymnastics,” sabi ng fourth-year education student sa FEU na si Caluscusin.

Isang bronze medal din ang idinagdag ng 20-anyos na si Caluscusin sa hoop (8.225 points).

Sa nakaraang 2012 National Games sa Dumaguete City ay pumitas lamang si Caluscusin ng apat na pilak at isang tansong medalya.

Hindi naman nagpahuli si Karen Velez ng Cebu nang kunin ang dalawang gintong medalya sa ball (8.050 points) at hoop (8.250 points).

Isang silver medal pa ang ibinulsa ng estudyante ng University of Visayas sa club (7.925 points).

Ang nagdomina sa 2012 National Games na si Mary Carmeli Garovillo ng Cebu ay isang tansong medalya lamang ang nakamit ngayong taon.

Matapos angkinin ang mga ginto sa all-around at sa apat na indvidual events, tanging ang bronze medal sa ribbon (6.850 points) ang nakamit ng 17-anyos na si Garovillo, may kursong occupational theraphy sa Cebu Doctors College.

 

Show comments