Laro sa Linggo
(Mall of Asia Arena, Pasay City)
1 p.m. UST vs Adamson (third place)
3 p.m. Ateneo vs National University (championship)
MANILA, Philippines - Hindi binigyan ng pagkakataon ng two-time defending champion Ateneo na makaporma pa ang National University sa kinuhang 25-15, 25-22, 25-23, panalo sa panimulang laro kagabi ng Shakey’s V-League Season 10 First Conference Finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Gamit ang matitinding kills at matibay na depensa, nangailangan lamang ang Lady Eagles ng isang oras at 14 minuto para tapusin ang laban nila ng Lady Bulldogs at hawakan ang mahalagang 1-0 kalama-ngan sa best-of-three series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
May 14 hits sina Jeng Bualee at Rachel Ann Daquis at nagsanib sila sa 26 kills para tulungan ang Lady Eagles sa 42-32 bentahe sa attacks laban sa NU.
Nakatulong din ang anim na hits ni Amy AhoÂmiro para punuan ang kontribusyon ng may shoulder injury na si Alyssa Valdez na tumapos taglay ang anim na hits.
Ang panalo ring ito ay pambawi ng Ateneo matapos ang straight sets na pagkatalo sa unang pagtutuos na nangyari sa quarterfinals.
Sa tindi ng depensa ng Lady Eagles ay walang manlalaro ang Lady Bulldogs na nakadoble-pigura sa puntos upang maging anino lamang ng dominanteng laro na naipakita sa unang yugto ng labanan sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Si Dindin Santiago na hinirang bilang MVP ng liga ay nagtala lamang ng 7 hits habang si Aiko Urdas ang siyang namuno sa opensa ng Lady Bulldogs sa 9 hits.
Samantala, nakauna rin ang Adamson sa UST sa tagisan para sa ikatlong puwesto sa pamamagitan ng 23-25, 25-23, 19-25, 25-23,15-12, panalo sa unang laro.