Caluscusin nakuha na ang inaasam na gold

MANILA, Philippines - Matapos makuntento sa silver medal sa 2012 POC-PSC Philippine National Games at sa Palarong Pambansa, nakamit na rin ni Jean Caluscusin ng National Capital Region ang kanyang hinahangad na gold medal.

Kumolekta ang 20-anyos na si Caluscusin ng 35.925 points para angkinin ang gintong medalya sa senior individual all-around gold in rythmic gymnastics sa 2013 POC-PSC National Games sa Rizal Memorial Gymnastics Center.

Humugot ang Far Eastern University cheering squad standout ng 9.350 points sa ribbon, 8.650 points sa ball, 9.300 points sa clubs at 8.625 points sa hoop events.

“Masaya ako kasi second lang ako last year eh,” sabi ni Caluscusin, isang fourth-year BS Education student sa FEU, matapos ang kanyang panalo.

Si Caluscusin ang ikalawang pambato ng FEU na kumuha ng gintong medalya sa 2013 PNG matapos si Joseph Buck Briones ng Marikina sa individual men’s aerobics.

Inungusan ni Caluscusin para sa gold medal sina national team standout  Anica Joy Sirios (34.750 points) ng Muntinlupa at ang gold medal winner sa 2012 National Games sa Dumaguete City at Cebu City bet Carmeli Garovillo (34.425 points).

Si Garovillo ang nagreyna sa 2012 National Games.

Si Mikhaela Silverio ng NCR ang kumabig naman ng gintong medalya sa junior individual all-around mula sa kanyang nakuhang (36.600 points).

Tinalo ni Silverio sina Cebuano pride Kimberly Paler (31.125 points) at Aj Melgar ( 29.925 points).

Pormal na bubuksan bukas ang nasabing annual sports event sa Ninoy Aquino Stadium na pa­ngu­ngunahan ni PSC chairman Richie Garcia.

Kabuuang 41 sports events ang nakalatag para sa nasabing 10-day event.

Ang mga ito ay ang archery, arnis, athletics, badminton, baseball, beach volleyball, billiards, bowling, boxing, canoe/kayak, chess, cycling, dancesport, dragon boat, football, futsal, golf, gymnastics, judo, karatedo, lawn tennis, motocross, muay thai, pencat silat, powerlifting, rugby, sepak takraw, sailing, shooting, swimming, table tennis, taekwondo, triathlon, volleyball, weightlifting, wind surfing, wrestling at wushu.

Show comments