Mas mahirap ang labanan sa semis - Austria

Laro Bukas

(Ynares Antipolo)

8 p.m.  San Miguel Beer vs Sports Rev Thailand Slammers

MANILA, Philippines - Winalis ng San Miguel Beer ang Sports Rev Thailand Slammers sa kanilang apat na laro sa eliminasyon ng ASEAN Basketball Lea-gue (ABL).

Ngunit nagkakamali ang mga miron kung sasabihin nilang madaling mananalo ang Beermen sa pakikipagtuos sa Slammers sa semifinals dahil nakikita ni coach Leo Austria na magiging pahirapan ang labanan na magbubukas bukas sa Ynares Antipolo.

“It’s not going to be easy,” wika ni Austria nang samahan sina Asi Taulava, Chris Banchero at import Brian Williams na dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.

“All records are back to zero. Lahat din ng apat na laro namin with Slammers ay dikitan ang labanan. They are well coach and though they are not ta­lented as Malaysia Dra-gons or Indonesia Warriors, they played hard,” pagpupugay ni Austria.

Si Joe Bryant, ama ng NBA superstar Kobe Bryant, ang coach ng Slammers at pinamumunuan ang koponan nina imports Christien Charles at Filipino guard Froilan Baguion.

May nangungunang 19-3 karta ang Beermen at papasok sila sa Playoffs bitbit ang 16-0 winning streak ngunit walang kuwenta ito kung hindi mapapanalunan ang titulo.

“The 16-0 is not a gua­rantee that we can win the title. In the Playoffs, it’s a different game. They are preparing hard to beat us and we have to be prepared,” dagdag ni Austria.

Babalik na mula sa injury list sina Chris Banchero at Justin Williams para lumakas pa ang Beermen na ang pangunahing bentahe sa Slammers ay ang angking height advantage at experience.

Sina Taulava at ang dalawang Williams na may taas na hindi bababa sa 6’9, ang mananalasa sa ilalim habang ang karanasan ay manggagaling sa mga dating PBA players sa pangunguna nina Leo Avenido at Val Acuna.

Handa si Taulava na ipagpatuloy ang solidong ipinakita sa elims dahil nais niyang maramdaman uli ang pakiramdam ng isang nagkampeon.

Show comments