Explosive Shakey’s V-league Finals

On track ang Ateneo Lady Eagles para sa ikatlong sunod na kampeonato sa 10th season ng Shakey’s V-League First Conference. Ito’y matapos na walisin nila ang University of Santo Tomas Tigresses sa  best-of-three semifinals, 2-0.

Sa oras na isinusulat ito’y hindi pa natin alam kung alin ang makakatunggali ng Lady Eagles sa best-of-three championship series na mag-uumpisa sa Huwebes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. Pinaglalabanan pa kasi ng National University Lady Bulldogs at Adamson Lady Falcons ang ikalawang cham­pionship ticket.

Sakaling magwagi ang Adamson, ang Finals ay parang magiging rematch ng mga nagtagpo noong 2011. Noon kasi’y ang Lady Falcons ang tinalo ng Lady Eagles. Noong nakaraang season ang UST ang ginapi ng Ateneo para makumpleto ang back-to-back titles.

Sakaling ang National University naman ang manalo kontra Adamson, isang bagong karibal ang makaka­tag­po ng Lady Eagles sa Finals.

 At magiging very interesting ang pagkikitang ito.

Kasi nga’y tinalo ng Lady Bulldogs sa straight sets ang Lady Eagles sa quarterfinals,  25-15, 25-12, 26-24. Iyon ang tanging kabiguang natamo ng Lady Eagles so far sa kasalukuyang torneo.

At dahil sa pagkatalong iyon ay nagsagawa ng pag­papalit ng manlalaro si Ateneo coach Roger Gora­yeb. Kinuha niya ang Thai import na si Jeng Bualee buhat sa San Sebastian Lady Stags at hinalinhan nito si Aerielle Patnongon. Sina Bualee at dating Far Eastern University star Rachel Ann Daquis ang imports ng Ate­neo ngayon.

Matindi, hindi ba?

So, kung tutuusin, ang NU ang siyang may mas ma­gandang tsansa kontra sa Ateneo kung sakaling aabot ang Lady Bulldogs sa Finals.

Pero siyempre, kung Adamson ang makakatagpo ng Ateneo, puwede ding magbigay ng magandang la­­ban ito lalo’t kung  iisiping tila tumitinding muli si Angela Benting na ngayon ay guest player at assistant coach ng Lady Falcons.

Ang tunay na katanu­ngan diyan ay ito: Tuma­tag ba ang Ateneo, NU at Adamson na naghahanda para sa susunod na ‘volleyball wars’ sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP)?

Iyon naman kasi ang talagang pinaghahandaan nila.

Sa pananaw ng ka­ramihan, kung ang tatlong koponang ito ang pag-u­usapan, tila mas pabor sa NU ang nangyayari.

Kasi nga’y umaasa nang todo ang Ateneo sa kanilang mga guest pla­yers at kina Fille Cainglet at Jem Ferrer na hindi na nila makakasama sa susunod na UAAP tournament.

Si Benting ay hindi na rin la­laro sa Adamson.

Sa kabilang dako, ang tanging mawawala sa NU ay ang guest player na si Rubie de Leon na siyang setter nila. Pero nahahasa naman ang regular setter na si Ivy Perez na mara­ming natututunan kay De Leon.

Magkampeon man ang Ateneo sa ikatlong sunod na taon, malamang na mangapa ang Lady Eagles sa susunod na UAAP tournament.

***

Binabati ko ng happy first birthday ang aking apong si Markief Arryn Zaldivar Guzman na magdiriwang sa Mayo 22.

Show comments