Lady Eagles, Falcons seselyuhan ang finals

Laro Ngayon

(MOA Arena, Pasay City)

2 p.m.  National University vs Adamson

4 p.m.  Ateneo vs UST

 

MANILA, Philippines - Tapusin ang best-of-three semifinals series ang nasa isipan ngayon ng nagdedepensang kampeon na Ateneo at Adamson sa muling pagharap sa UST at Natioal University sa Shakey’s V-League Season 10 First Conference sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sasandalan ng Lady Eagles at Lady Falcons ang inspiradong panalo na nakuha noong Martes at ikasa na ang tagisan para sa kampeonato sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Ibinandera nina Alyssa Valdez, Thai import Jeng Bualee at Rachel Ann Daquis, binalewala ng tropa ni coach Roger Gorayeb ang pagkatalo sa first set sa kinuhang 20-25, 25-16, 29-27, 25-14, panalo habang lumabas ang ipinagmama­laking karanasan ng Lady Falcons sa Lady Bulldogs sa ikalima at huling set tu­ngo sa 22-25, 25-18, 25-19, 22-25,15-13 panalo.

“Nasa amin ang momentum at ito ang maganda kapag nakauna ka. Bukod dito, ang pressure ay nasa kanila kaya tingnan natin ang mangyayari,” wika ni Gorayeb na balak ibigay sa Ateneo ang ikatlong sunod na titulo sa first conference sa ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa.

Walang duda na sa tatlong kamador ng Lady Eagles ipagkakatiwala ang kanilang opensa pero asahan ang mas aktibong si Bualee na tila tinatantiya pa ang dapat na ibigay sa bagong koponan.

May 15 kills tungo sa 19 puntos si Bualee ngunit ang isa sa kanyang mahalagang kontribusyon sa bagong team ay ang pagpapalakas sa depensa nito sa kinuhang apat na blocks.

Gagawa naman ng ad­justments ang 6-time champion Tigresses at isa na rito ay kung paano pagaganahin uli ang bangis ng mga open spikers na sina Aiza Maizo at Maika Ortiz na tumapos bitbit ang 13 at 12 puntos.

Sa tikas ng mga bete­rano sa pamumuno ni Angela Benting aasa ang mga panatiko ng Lady Falcons para umusad na sa Finals at magkaroon pa ng buhay ang paghahabol sa ikatlong titulo sa liga.

Show comments