Nilasing ang Thailand Slammers: San Miguel Beer tuloy sa pananalasa

Laro Bukas

(Ynares Sports Arena, Pasig City)

4 p.m.  San Miguel Beer vs Saigon Heat

 

MANILA, Philippines - Ginising nina Asi Taulava at Paolo Hubalde ang malamig na opensa ng San Miguel Beermen sa huling yugto para mapanatili ang winning streak sa 78-70 panalo laban sa Sports Rev Thailand Slammers sa ASEAN  Basketball League (ABL) noong Miyerkules ng gabi sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.

Kinakitaan ng  pag-iskor lamang ng walo sa second period at 10 sa ikatlong yugto upang ang 28-12 bentahe sa first period ay naging 46-53 pabor sa home  team sa huling yugto, sina Taulava at Hubalde ay nagtambal sa 23 puntos upang umararo ng 32 puntos ang bisitang koponan.

Si Hubalde na pu­malit sa injured na si Chris Banchero ay mayroong 11 ka­sama ang mga krusyal na free throws na nakatulong sa pagbalikwas ng tropa ni coach Leo Austria.

Ito ang ika-11 sunod na panalo ng Beermen upang manatili sa itaas sa anim na koponang liga sa 14-3 karta.

Si Taulava ang muling namuno sa koponan sa kanyang 18 puntos, 6 assists at 5 rebounds habang si Hubalde ay may 14.

Nagsanib sina Leo  Ave­nido at Val Acuna sa 24 puntos habang 11 puntos, 8 boards at 4 assists si Brian Williams at 6 puntos, 6 blocks at 8 boards ang kay Justin Williams.

Balik Pilipinas na ang Beermen at maghahanda sa home game laban sa Saigon Heat sa Sabado.

May 18 puntos, 10 re­­bounds at 8 blocks si Charles Christien at si Darongpan  Apiromvilaichai ay may 12 para sa Slammers na lumasap ng ikatlong sunod na pagkatalo sa home court tungo sa kabuuang 6-12 karta.

Show comments