MANILA, Philippines - Palalakasin pa ng Cebuana Lhuillier at Café France ang laban para sa insentibo na ibibigay sa mangungunang koponan matapos ang eliminasyon sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Katunggali ng Gems ang EA Regen Med sa una sa tatlong laro na matutunghayan ngayon sa ganap na alas-12 ng tanghali habang ang Bakers ay makikipagtuos sa Hog’s Breath sa alas-6 ng gabi.
Gitnang laro ang sa pagitan ng Jumbo Plastic at Informatics dakong alas-2 ng hapon at ikalawang panalo sa pitong laro ang makukuha ng Giants habang unang panalo matapos ang limang sunod na kabiguan ang nakaumang sa Icons.
Sa ngayon ay solong nasa unahan ang Blackwater Sports sa 5-1 karta haÂbang isang laro na naÂpag-iiwanan ang Fruitas sa 4-1 karta.
Ang Gems at Café France ay magkasalo sa ikatlo at apat na puwesto sa 4-2 karta kaya’t ang makukuhang panalo sa mga katunggali ay magdidikit sa koponan sa Elite.
May dalawang dikit na panalo ang Gems na haharapin ang Team Delta na sariwa rin sa panalo para maitabla ang karta sa 2-2.
Mapapalaban ang troÂpa ni coach Beaujing Acot dahil ang EA Med ay magtataglay ng solidong frontline sa katauhan nina Raymund Almazan at Ian Sangalang.