5-dikit na panalo itatagay San Miguel Beer mainit pa rin vs Slingers

MANILA, Philippines - Lalapit pa ang San Mi­guel Beer sa nangungunang Indonesia Warriors sa muling pagharap sa Singapore Slingers sa ASEAN Basketball League (ABL) ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Sariwa ang Beermen sa 78-57 pagdurog sa Slingers noong nakaraang Sabado sa nasabing venue at patok uli ang koponan para mailista ang ikalimang sunod na tagumpay sa ka­tunggali.

Ikawalong diretsong panalo rin ang maitatala ng bataan ni coach  Leo Austria at maiaangat sa 11-3 ang kabuuang baraha para mapag-iwanan na lamang ng isang laro ang Warriors na may 12-3 karta.

“Kailangang hindi ma­wala ang momentum lalo pa’t isang buwan na lamang ang labanan sa eliminasyon,” wika ni Austria.

Muli ay aasa siya sa husay sa pagdepensa nina imports Justin Williams at Brian Williams bukod pa sa husay ni Asi Taulava at ang nagbabalik mula sa injury na si Erik Menk.

Ang kanilang pagsisigasig sa depensa ay tatapatan ng mainit na opensa sa pangunguna nina Chris Banchero at Leo Avenido.

Pambato sa opensa si Banchero sa ibinibigay na 17.5 puntos mula sa respetadong 46.5% shoo­ting habang si Avenido ay gumawa ng 16 puntos sa huling pagkikita na pinakamataas na naitala ng MVP noong nakaraang taon sa ikaapat na taon ng ABL.

“Maganda ang opensa namin dahil nagsisimula ito sa magandang depensa. Kung magpapatuloy ito, naniniwala akong malayo ang mararating namin,” pahayag pa ni Austria na nais maibigay sa Beermen ang unang ABL title matapos pumangalawa sa rookie year sa liga noong nakaraang taon.

Asahan naman ang pagsisikap ng Slingers na makaisa sa Beermen para gumanda pa ang paghahabol sa puwesto sa susunod na yugto.

May 5-10 karta ang Slingers at kapos sila ng isang panalo para maokupahan ang ikaapat na puwesto na ngayon ay hawak ng Sports Rev Thailand Slammers sa 6-10 baraha.

Sina Rashad Jones-Jen­nings, Philip Morrison, Wong Wei Long at Filipino import Jun Jun Cabatu ang mga kakamada para sa bisitang koponan.

 

Show comments