Humina ang signal
Ano ba yan?
Pagkatapos na matambakan ng 31 puntos ng Rain or Shine, hayun at naungusan ng defending champion San Mig Coffee ang Talk N Text, 83-82 noong Miyerkules upang bumagsak sa 5-6 ang Tropang Texters.
Sa ikalawang pagkakataon sa kasalukuyang PBA Commissioner’s Cup ay nakalasap ng back-to-back na kabiguan ang mga bata ni coach Norman Black.
Parang ‘unthinkable’ na ito, e. Considering na napakalakas ng line-up ng Tropang Texters at maraÂming nagsasabi na matapos magkampeon sa nakaraang Philippine Cup ay posibleng makumpleto na rin (sa wakas) ang minimithing Grand Slam.
Well, yung unang back-to-back na kabiguan nila ay kinalimutan na dahil sa pinauwi na nila ang original choice nila bilang import na si Keith Benson. Sabi nga ng iba’y matagal nang dapat tsinugi ito.
Pinarating ng Tropang Texters ang datihang si Donnel Harvey at umayos na ang kanilang kampanya. Kasi nga’y hindi na nila kailangan ng adjustment period. Si Harvey ay kilala na nila.
Kaya lang ay bigla na naman silang nanlamlam. Biruin mong tinambakan sila ng Elasto Painters, 116-85. Thirty one points.
Natalo sila sa koponang winalis nila sa finals ng nakaraang Philipine Cup, isang koponang anim na beses na nilang tinatalo sa kasalukuyan season.
Okay lang sana yung matalo nang kapiraso lang, e. Kumbaga’y dikdikan mula umpisa hanggang dulo bago nasilat.
Pero mula umpisa hanggang dulo’y idinikta ng Rain or Shine ang laro. At hindi nakaporma ang Talk N Text.
Dahil doon ay matagal na kinausap ni Black at ng pamunuan ng Talk N Text ang Tropang Texters sa locker nila pagkatapos ng laro.
At tila nagbunga naman ng maganda ang usapan.
Kasi, kontra San Mig Coffee noong Miyerkules ay in-charge ang Tropang Texters. Ito’y sa kabila ng pangyayaring na-miss nila si Kelly Williams na tila nagbalik ang dating problema sa dugo at kinailangang magfile ng indefinite leave.
Mabuti na lang at nakabalik sa active duty si Ali Peek matapos na magpaopera at mawala sa unang sampung laro nila sa Philippine Cup.
Papasok sa final quarter ng laro laban sa Mixers ay lamang pa ng sampu ang Tropang Texters. Papasok nga sa huling isa’t kalahating minuto’y limang puntos pa ang abante nila.
Pero akalain ba naman ng lahat na madidiskaril pa ang Tropang Texters at makakaulit ang Mixers?
Aba’y malaki na ang problema ng Talk N Text kung gayon. Kasi nga’y dapat na natuto na sila sa pagÂkatalo nila sa Rain or Shine. Dapat ay nakabawi na sila’t nakabangon.
Ngayon ay lalo pa silang nabaon.
Kung hindi magbabago ang takbo ng pangyayari, baka makalaban ng Tropang Texters ang isa sa top two teams na magkakaroon ng twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals.
Kahit napakalakas ng Talk N Text, malamang sa maÂhirapang lumusot.
- Latest